Salin

Lantay na Ginto

“All of Gold” ni Ophelia A. Dimalanta
salin sa Tagalog ni Manolito C. Sulit

(“Ikinasal” si Jose Rizal kay Josephine Bracken
ni Padre Victor Balaguer, S.J.
nang 5:30 ng umaga 1896, dalawang oras bago siya binaril
sa Bagumbayan, ngayo’y Rizal Park.)

Higit sa pagpapakasal,
katibayan ito ng nakalululang
pagsasalawahan ng puso.
Gaano ngang halos makatalik
ng pag-ibig ang kamatayan,
at ng hinahon ang poot,
at ang panaginip na nasadlak
sa sagpang ng umaga
katali pa rin ng sukdang
pag-aabang sa gabing nagdaan.

Gayong wala ka na, lumagi ako,
hindi bumibitaw, nasasaktan,
at sa pagpanaw, sa akin ka nabubuhay,
at ang ialay ka sa ritwal na ito
ng kamatayan ay patunay
ng walang maliw kong pananalig.
At nang magapos sa iyo,
nayakap kong tuluyan
ang lubos kong kalayaan.

Pag-ibig nga at kamatayan.
At gaano kahusay nating
iwinawaksi ito sa tuwing
tinutukoy natin ang isa
sa isa at oh, gaano kalubos
itong tuwang lumalaya, sanhi nitong
matapat na muntikang-pagpanaw
sa iyong marurubdob at mararahas
na paniniyak at pangangako,
ang pagkatigagal at pagkatigatig
na lagpas sa kapusukang
dahan-dahang natutupok.

Bakit kaya ang pagpili
sa pag-ibig ay pagpili rin
sa kamatayan, isang panata
at pagsuko, pagpaparaya
at pagtutol… ang anyo mong
makislap at marangya,
malawak at dalisay,
may lambong din ng pagpanaw,
sanhi ng araw kong
di lubusang magliwayway.

Ngunit ginintuan, iya’y huwad
irog, gintong kagyat nag-uuling,
ang simula nito, ngunit balik
sa ginintong araw, aking Araw, lantay
na ginto, ang alab mo’y itong
apoy, itong kinang na tanglaw
ng daigdig, at Oh, aking pag-ibig,
ang kaydilim na pagyao ng pag-ibig ko.

At dito nagtatagpo,
humalo tayo sa kalawakan,
hindi mapapawing mga pirma
sa sumpaang pinagtibay
sa ibang daigdig,
higit na maamo at marunong.
At sa isang iglap
kataka-takang naging isa tayo.
Hindi ko talaga alam kung saan
ako nagwakas at saan ka naman
nagsimula, sadyang magkasama,
sadyang hiwalay, sadyang mahiwaga
at nakakakilabot itong ritwal
sa ilalim ng piitang liwanag
ng tumatangis sa pagmamalabis na dilim!

 

Tampok na larawan: By Austin Craig – From the book “Lineage, life, and labors of José Rizal, Philippine patriot”; by Austin Craig published in 1913., Public Domain, https://commons.wikimedia.org/w/index.php?curid=15594587

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x