Maikling Kuwento

Paghihintay Kay Rebecca

“T’wing nasa amin ako, alam mo’ng ginagawa ko? Nando’n ako lagi sa tereys. Pag hapon, lalo na. Tinitingnan ko ‘yung puno ng aratiles. O kaya naman, ‘yung mga puting rosas, o kahit na anong makita ko. Wala. Wala akong magawa e. Buti nga, dumating ka. Kala ko nga, wala ka na rin.” Lumabusaw sa tubig ang ipinukol na munting bato. Sinundan iyon ng bahagyang halakhak. “Tanda ko pa rin ‘yung biglang ahon mo dun, iwan ‘yung saya mo!” Halakhak uli. “Hiyang-hiya ka no’n. Sanlinggo yatang hindi ka nakipaglaro.” Mas malakas na labusaw ang sumunod. “Hindi ka na sana lumaki. Tayo. Hindi na sana umusad ang panahon, ano? Ansaya-saya n’on. Ansaya-saya…” Mahinang labusaw malapit sa pampang, kasunod ang di-kilalang piraso ng dahon sa tubig.

“Nalungkot ako nang malaman kong lumuwas ka na. Pinakamalungkot sa akin ‘yon, kasi bago ka umalis, dal’wang linggo kang hindi nakita, tapos akala ko nar’yan ka pa, tapos wala na pala…ganun. Ganun ang dating sa akin.” Isang lata ng sardinas ang inaanod-anod ng maliit na agos sa di-kalayuan. Sumabit iyon sa nakabarang lumot sa unahan. “Kaya pinag-igi ko ang pagtulong sa sinturisan, nang payagan ako ng tatay na lumuwas. Hiningi ko ang adres mo sa inay mo. Pero pagdating ko roon, lumipat ka na raw. Siguro, ang nangyari, pagkaluwas ko…saka ka naman dumating sa inyo ang bago mong adres. Wala namang nakapagsabi sa akin. Nalaman mo siguro, nagkatampuhan noon sa muson ng lupa.” Sumibad palayo ang huni ng kilyawan. Dumami ang nanlaglag na mga dahon ng kawayan, gumugulong pababa sa hangin. Manaka-nakang sumisingit ang magatol na alitit. “Apat na buwan ako ro’n. Tumulong sa textile printing. Samb’wan.” Lumagos ang liwanag sa mataas na balbamera sa tapat ng sapa. Sa kabila noon ay ang mahinang harurot sa di-nakikitang lansangan. Muli’y sumaboy ang mga dahon ng kawayan, at tila hinigop na napatianod sa maliliit na agusan.

“Wala akong kabali-balita sa ‘yo noon. Apat na b’wan, biruin mo. Kaya ako napaluwas, para makit ka. ‘Pag nga sakay ako sa dyip, o naglalakad ako, inaakala kong matanawan ka. Siguro, bigla akong papara. Kung hindi haba o kulay ng buhok, damit…o kung kasingputi mo. Lahat halos pinagkamalan ko na. Malimit nakokontento na lang ako na parang ikaw na rin ‘yong nakita ko.” Nangibabaw sa lagaslas ang mahinang tawa. “Ganyan ako kadepres noon. Biruin mo-apat na b’wan. Mahigit pa. Para na ring may nag-Japan sa atin a. nasa Pilipinas lang tayo pareho, hindi pa tayo magkita.” May dumausdos at nangaykay at pumutak sa dinding na lupa sa kabilang pampang. Pagkatapos ay mahinang wisik ng lupa. Ang putak ay naging saglit-saglilt na kukok, na nakubli at naging kaluskos na lamang sa isang dakong masukal.

“Biglaang ipinaripeyr ‘yung una kong tinuluyan. Sumama na lang ako sa paglipat d’un sa estudyanteng nakaibigan ko r’on. Saka ko na lang sinabi sa mga inay–baka mag-alala pa sila. ‘Yung kumare n’ya ang nagsabing paluwasin ako. Kailangan daw ng isa pa sa tahian. Ako na lang daw.” Sa dako pa roon ng kangkungan, may lumusong na tao, nakamaong na putol, patawid sa bahaging kawayanan, may bitbit na karit at sakbat sa balikat ang isang bakid na kugon. Bahagyang dumulas malapit sa pampang ang isang paa ng tao. Saglit. Nanaig ang mahinhing lagaslas sa umuurong na anino ng puno.

“Lalong malungkot ‘pag umuuwi ako. Mas napapalayo ka pa. Dalawang araw lang minamadali ko nang bumalik. Naiinip ako rito. Doon, kahit hindi kita makita, alam ko, nar’on ka lang. Dito malabo. Imposibleng bigla kitang makita rito, o sa sinturisan. O kaya sa aratiles.” Saglit at pabugsong halakhak. “Matatakot naman ako kung bigla kang sumulpot sa hangin, sinusutsutan ako!” Sabay na tawa at pilit na hagikhik. Parang mahihinang gripo ang nahihiwang mga agos na tinutunghan ng mga tinig. “Dahilan ko sa tatay, may aplay ako. Pero naghanap din talaga ako ng trabaho r’on. Nakakita ako. Machine opereytor sa printing press. Walang problema. Parang ako lang ang hinihintay ng trabaho. Kaso, alerdyik pala ako sa papel. Nalaman ko lang nang kaharap ko na ang santambak na papel. Sinipon nga agad ako!”

Kumawala ang hangin. Tumupa-tupa ang mga palapa ng niyog sa gilid ng mahabang gulod. Pakapal na ang mga ulap sa likod niyon.

“Ano nga pala, may ibibigay ako sa ‘yo. T-shirt. Disayn ko ‘yon! Nilibang ko na lang ang sarili ko sa pagtatatak. Ang tiya nga e natuwa. Nadamay ko sa paglilibang ang panaderya. Bago ‘yung saynbord n’ya ngayon. Lahat tinatakan ko. Shorts, pantalon…pati medyas ng pinsan kong hiphop – saka ‘yung panyo’t twalya ng mga El Shaddai sa ‘min. Kumita naman ako kahit konti. Nakabili ako ng maliit na caset.” Mula sa kanan ng sapa, sa dakong tago sa paningin, nagsimula na ang layu-layong tunog ng mga palupalo. “Balak ko nga, magbukas ng printing shop dito. Mga iskul lang, pwede na. Boy scout, girl scout, P.E. … pwedeng-pwede na.” May mga tinig na matitinis sa malayo. Sinundan ng matandang halakhak na dumidiin sa bawat bagsak ng palupalo. “Kung titingnan mo, tamang-tama tayo. Mananahi ka. Ako nagtatatak. Pwede, ano?”

“Baby dress ang tinatahi namin.” Maputi na ang kanina’y kulay abong batuhan.

“Gan’un din naman ‘yon. Damit at damit din lang.”

“Di sige.”

Kapansin-pansin ngayon ang naglipanang makahiya. May maliit na abuhing ibong sumibad papalayo. Ang lagaslas, ang halakhak sa ibabaw ng tunog ng palupalo, at pagaspas ng nagmamadaling mga pakpak ay ilang saglit pang umikot-ikot sa mukha ng sapa.

“Kumusta naman ang pananahi mo?”

“Ayos naman. Maramii na rin akong kaibigan d’on. Pero hindi gan’on kasaya. Iba syempre pag nasa malayo. Kung anu-anong naiisip mo…”

“Halimbawa’y…? Unti-unti, dumalang ang mga tunog at tinig.

“Wala.”

“Wala? Ako, naiisip kita lagi. Talaga!”

“Talaga?” Muli’y nangingibabaw ang mahinhing lagaslas.

“Bagot na bagot ako noon. Nababagot pero mas gusto kong mag-isa. Doon, lagi ako sa taas. Sa k’warto, sa bintana. Mahirap makipag-usap sa kahit sino kapag may sadya kang gustong kausap. Kapag may hinahanap kang kausap na hindi mo alam kung nasaan. Kuha mo ba?”

“Ang drama mo.”

Malakas ang labusaw ng pagbato sa may gilid ng kabilang pampang. Naglabo roon, at may lumitaw na bahagi ng lumot.

“Ewan ko. Hindi ko alam kung lahat ng lalaki ganito, o sadyang may romantiko. Ako siguro, kung naging babae ako–iyakin. Totoo. Hindi ko pinipigil ‘yang luha. Dumarating kasi na–ang labo ng hinaharap. Nakakalungkot. Iniiyak ko kapag madilim na sa kwarto. Tatlo kaming natutulog d’un. Nakakahiya. Pero syempre’y kontrolado. Baka gumising akong guhit na lang ang mata.” Tawanan. Ang kanina’y nadidilimang malalim na sulok ng tubig ay may makislot, mapusyaw nang repleksyon sa paanan ng malaking batong buhay na nakayungyong doon.

“Nakakaiyak kapag naiisip kong malabo pa rin tayo. Ang daming problema. “Yun lang mga b’wang wala akong kabali-balita sa ‘yo…malabo ‘yon. Tapos lagi ko pang naiisip–wala akong tiyak na trabaho, ikaw meron. Kung tutuusin—” Isa pang malakas na labusaw na mas malapit na sa gilid ng kabilang pampang. “Pwdeng-pwede mo akong kalimutan.”

Umaakyat na ang iba-iba’t malalayong ingay sa paligid. Sa likod ng balbamera, sa di-nakikitang lansangan, nagpapang-abot na ang mga harurot ng sasakyan.

“An’drama mo.”

“Talaga. Eto nga, maiiyak na naman ako—Hindi, gusto ko na talagang makahanap ng permanenteng pagkakakitaan. Nang makaipon naman ako. At— Bukas nga, mamimili na ako ng mga gamit. Nakausap ko na ang tatay tungkol dito. Tutulungan pa nga niya akong ayusin ‘yung garahe dati ng traktora. Sana’y swertihin—” Humanggan sa kabilang pampang ang bato, bahagyang binasag ang kimpal ng lupang naroon.

“Itigil mo nga ‘yang kababato mo! Baka manuno ka…”

Sumaliw sa lagaslas at gaping mga ingay ang tatlong ulit na pagpaspas ng mga kamay. “Tabi po nuno, h’wag sanang manununo.” Bahagyang halakhak. “Sa Maynila, hindi nila maintindihan kung ano ang nuno. Ba’t kaya walang nuno sa Maynila, ano? Wala ring aswang—pero maraming naaaswang.” Sinundan ng mahinang ngisi ang papalayong kawan ng maliliit na isda mula sa gilid ng pampang. “Naisip siguro ng mga aswang, marami silang kakumpetensya r’on.” Tila sumabay sa bahagyang tawanan ang pagkislot ng nanghahaba’t matatalas na silahis sa pagi-pagitan ng kadawagan. Manipis na at patuloy na umuurong ang anino ng balbamera mula sa pampang. “Eh ang mga nuno kaya? Siguro…dahil wala nang natatakot sa kanila r’on. Lahat kasi ng bagay d’on—pati takot—may paliwanag na.”

“Oo…”

“Saka wala silang pagtatayuan ng punso r’on…” Basag na tawa. Buntunghininga sa dulo. Wari’y tumingkad ang tunog ng malillit na agos. “Ako kaya? Pa’no magkakabahay? Kahit kubo ngayon mahal na.”

“Di magtayo ka na lang ng punso?”

“Kung uso pa nga sana ang bahay na putik—Tingnan mo, kahit punso, hindi ko pwedeng itayo.” Lumapat sa tubig ang kapirasong dahon ng pako, tuloy-tuloy na napailalim sa maliliit na agusan. “Ang dami nating dapat hintayin. Pa’no kung…” Umalinsingit mula sa likod ng balbamera ang magatol na pagtakbo ng isang traysikel, papahina, nawala sa isang saglit.

“Ano?”

“Wala—wala pala. Gusto ko lang magdrama sana.”

Makinang ngayon ang takip ng lubog nang lata sa kinasabitang lumot. Sa itaas, gumugulong na nanlaglag ang mga dahon ng kawayan sa masiglang ihip ng hangin. Sumasaliw sa lagaslas ang pamaktol na alitit. Samantalang nanatili angn anino ng balbamera sa nag-usling ugat sa paanan.

“Mainit na. Baka hinahanap na ako.”

Tumakas na ang hamog sa mga dahon ng pako at makahiya. Wari’y nakatanaw sa kanilang likod ang palapad na batong buhay na iniwang may pira-pirasong dahon at ilang baling tangkay. Nilakdaw nila ang tinibang katawan ng puno ng saging. Isang binatang nakakamisetang kupas na lila, at pantalong may wisik na iba-ibang kulay, balat kayumanggi, at isang dalagang may hanggang-balikat na buhok sa puting pang-itaas at asul na palda, bilugan at maputi. “Kala mo ang ganda ng panahon, pero mamaya uulan ‘yan. D’un ba, ganito rin?” Nagsisimula nang umaso sa tumataas pang araw ang paltak na lupang dinaraanan nila. Makiraw ang kanilang larawan, nakatalikod, mahinay ang galaw, paakyat sa naghihintay na gulod na nalililiman ng mga punong mangga at kaymito. Humahabol sa kanila ang kaluntian ng pampang. “Paluwas na ako bukas. Maaga ang pasok ko.” Hanggang sila’y maging bahagi ng lilim sa gulod, at ang papawiri’y sikatan ng mga lagaslas.

(1995)

Tampok na larawan: Lavanderas (1954) ni Fernando Amorsolo (pinagkunan)

0 0 vote
Article Rating
Subscribe
Notify of
guest
0 Comments
Inline Feedbacks
View all comments
error: Content is protected !!
0
Would love your thoughts, please comment.x
()
x