Lagi ko pa ring nirerenew ang domain na ito. Kung ano-ano na ang naging disenyo nito. Noong una, gusto ko sanang tipunin dito ang lahat ng Filipinong manunulat, parang isang facebook ng mga manunulat, kung saan puwedeng magkita-kita ang lahat ng interesado sa literatura at gustong magsulat. Walang nangyari dahil wala namang gustong sumali kahit sa mga kaibigan at kakilalang manunulat. Ilang ulit ko ring sinubukan ang blogging hanggang sa katamaran ko ito. Nariyan ding tipunin ko ang ilan kong akda na sa tingin ko’y “puwede na.”
Masasabi kong 2007 ang huling produktibong taon ko sa paggawa ng malikhaing content. Hindi ko na babanggitin dito kung ano iyon dahil nagsawa na akong gunam-gunamin lagi iyon. Sa pangkalahatan ay ayaw ko nang lumingon sa pamilyar na landas na pinagmulan ko. Itatakda ko na lang ang hangganan niyon. Tapos na, hanggang doon na lang iyon. Ang gusto ko na lang ay tahakin ang hindi pamilyar na kalyeng iyon, patawid sa sangandaang itong sinikot-sikotan ko nang mahabang panahon.
Hindi ko na itatakda ang layunin ko para sa gawaing ito. Ang gusto ko lang ay itala ang laman ng isip ko sa sandaling gaya nito. Kung mayroon man itong meritong pampanitikan o wala, o kung ano’ng iniisip mo habang binabasa mo ito, wala akong pakialam. Kung naghahanap ka ng “something major” sa post na ito, duda ako kung may makikita ka. Hanapin mo ang websayt ni Bobby AƱonuevo. Walang sayang na salita sa taong y’un. Kahit ang pagbanggit ko sa kanya ay hindi intensyonal sa post na ito. Random lang ‘yun dahil, siguro, natutuhan ko siyang iugnay sa mga bagay na may saysay, kung may balor man ang salita ko.
Ito na muna sa ngayon at kailangan ko pang magtrabaho.