Ang Gatong ng Kanluran sa Pinas

Sinabi sa akin ng asawang Syrian ng pamangkin kong si Sheena na kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may mahihinang pasaporte. Sa madaling sabi, kakaunting bansa lang ang mapapasok natin nang walang tourist visa. Wala lang, napagkuwentuhan lang namin ang geopolitics, gaya ng nakagawian, at sinabi niya ito hindi sa anupaman kundi bilang obserbasyon.

Totoo naman ‘yun. Hindi lang mahina ang pasaporte natin—talagang mahina ang bansa natin. Ito ang naging resulta ng mahabang karanasan natin ng kolonyalismo. Pero higit sa rito, mas malala ang naging epekto sa atin ng sobrang pagsandal sa Estados Unidos mula nang maging kolonya tayo nito. Hindi lang natin pinanginoon ang mga Amerikano, buong katangahan pang itinuring natin silang “kaibigan.”

Hindi masama ang pagkakaibigan sa pagitan ng mga tao, pero mas makabubuti sa pagitan ng mga bansa ang pagtatakda ng limitasyon sa ugnayan ng mga ito. Hindi puwedeng komo Amerika ang nagsabi ay susunod na agad ang Pilipinas dahil buddy-buddy tayo. Mahina na nga tayo ay pumapayag pa tayong maging uto-uto.

Gaya niyang Hague ruling sa South China Sea na kumbinyente nating isinasampal-sampal sa mukha ng Tsina para ipamukha ang ating karapatan sa ilang bahagi ng naturang karagatan (na kamakailan lang natin tinawag na West Philippine Sea). Oo nga’t pabor sa atin iyon pero hindi man lang yata sumasagi sa isip natin (palibhasa’y dahop naman ang kamalayang geopolitiko ng mga karaniwang Pinoy) na ang ruling na iyo’y mistulang “gatong” na hindi mapupugnaw ng Kanluran sa ating bansa upang hindi maapula ang apoy na utay-utay na sumusunog sa relasyon ng Tsina sa buong ASEAN.

Ganyan ang tingin ng Kanluran sa Pilipinas—bilang kasangkapan ng pagpigil sa pag-imbulog ng Tsina upang matagumpay na maipihit ng Estados Unidos ang hegemonya nito sa Asya.

Leave a Reply