Ipinagdiwang ng Klub Iba ang ikawalong taon nito sa pamamagitan ng nakagawiang potluck. Pinangunahan ko ang pagkatatag ng samahang ito noong 2015 at itinakda ang opisyal na araw sa Araw ni Mabini, Hulyo 23. Ang pagkapili sa araw na ito ay hindi nagkataon lang. Sadyang ninais ko na maging gabay at inspirasyon si Mabini bilang isa sa mga importanteng personalidad na nagtatag ng ating republika. Sa palagay ko, kung dibdiban nating mapag-aaralan ang kaniyang Dekalogo, matututo tayo kung paano talaga mamuhay bilang mga Filipino.
Mayroon kaming tatlong ubod na pagpapahalaga sa Klub Iba na repleksyon ng magagandang katangian nating mga Filipino. Ang mga ito ay ang KAPWA, BAYANIHAN, at PAG-ASA. Hindi naman maitatangging kilala tayong mga Pinoy sa pakikipagkapwa―hindi natin binabalewala ang ating kapwa. Tingnan mo man ito nang positibo o negatibo, may pakialam tayo sa ating mga kapitbahay, na karaniwan ay mga kapatid o kamag-anak din natin. Dahil nga sa pakikialam nating ito, agad tayong dumadalo sa kanila kapag kailangan nila tayo, sa oras man iyon ng kasayahan o kalungkutan. Diyan nanggaling ang bayanihan sa makitid nitong konsepto. Sa malawak, puwedeng saklawin nito maging ang banyagang konsepto ng bolunterismo.
Dahil sa dalawang naunang pagpapahalaga, na bukod-tangi at lamang ang positibong implikasyon sa ating buhay-pamayanan, dapat ay puno tayo ng pag-asa, dahil ang pakiramdam natin ay hindi tayo nag-iisa. Gayunman, sa harap ng mga suliraning panlipunan ng liping Filipino, ang pag-asa ang pinakamahirap panghawakan.
Sa ating makabagong lipunan, natutuhan nating baluktutin ang magaganda nating pagpapahalaga. Ang pakikipagkapwa ay nauwi sa pakikisama. Sabi ng iba, ayos lang daw ang makisama. Ngunit ang pakikisama ay may kaakibat na pagkunsinti―dahil umaayon ka o nakikibagay sa kagawian/kaugalian ng grupong pinakikisamahan. Ang pakikisama ay hindi tapat sa loob. Nakikisama ka lang dahil ayaw mong tingnan nila na naiiba ka. Lumilikha ito ng impresyon (ilusyon) ng pagkakapareho at pagkakaisa.
Hinihingi ng pakikisama ang pagsang-ayon mo sa dinatnang kaugalian o katangian ng grupo. Hindi puwedeng hindi ka sasang-ayon. Mabuti kung maganda ang naturang kaugalian o katangian, ngunit paano kung pangit o masama? Masama na ang nangyayari sa ating lipunan, hindi ka pa rin nagsasalita–nakikisama ka. Takot kang ipahayag ang hindi mo pagsang-ayon sa maling ginagawa ng mga tao sa paligid mo. Dahil baka kagalitan ka? Baka sumama ang loob sa iyo? Baka hindi ka na kausapin? Sa ganitong paraan, ang isang taong matwid ay siya pang nagmimistulang kaaway ng bayan.
Ang akala ng marami ay pakikipagkapwa pa rin ang kanilang pakikisama. Kaya sa sandaling may magtanim ng kabuktutan (lahat ng masamang asal) sa ating lipunan, madali itong nag-uugat, sumusuloy, lumalaki, at namumunga. Ganyan ang nangyayari sa lipunang Filipino.
Unti-unti, tinatalo ng pangit ang magaganda nating katangian. Ang pakikisama ay unti-unting naglalayo sa atin sa pakikipagkapwa. Dahil sa pakikisama natin, nawalan tayo ng disiplina, natuto tayong magkalat, at nawalan tayo ng kaayusan. Maayos lang tayo sa ating mga sarili at sa loob ng tahanan nati’t bakuran ngunit wala tayong pakialam kahit marumi at magulo sa labas. Repleksyon ito ng pagguho ng ating pakialam sa ating kapwa. Hindi na natin inisip kung ang ating gawain ay nagdudulot ng kawalan ng ginhawa at nagdudulot ng perhuwisyo sa ating mga kapitbahay―kapatid man natin o kamag-anak (lalo na kung hindi kaano-ano).
Dahil sa nabanggit, tayong mga nagsusulong ng kaayusan sa ating kapaligiran ay nakadarama, magkaminsan, ng pagkawala ng pag-asa. Ano na’ng mangyayari sa atin kung ganito tayo nang ganito? Araw-araw din, inaalisan tayo ng pag-asa ng ating mga pinuno dahil sa kanilang pagkamakasarili. Kinukunsinti nila ang masasamang gawi at asal ng kanilang mga nasasakupan. Dahil baka kagalitan sila? Baka sumama ang loob sa kanila? Baka hindi na sila iboto? Kapag ganyan ang naging saloobin ng isang pinuno, Ikaw man ay pangulo, alkalde, konsehal, o opisyal ng barangay—hindi lang ang aming pag-asa ang sinisira mo, gayundin ang lahat ng potensyal ng bayan mo upang magkaroon ng disiplina, kaayusan, at TUNAY na pag-unlad.