Dinidismaya Tayo ng Lipunang Filipino

Talagang simple ang buhay naming mag-anak dito sa aking bayang sinilangan. Mas madalas na nagtatrabaho ako sa gabi, hindi dahil kailangan kong gawin iyon (gaya ng karamihang ahente ng BPO) kundi nakasanayan ko na. Liban sa huling tatlong araw ng linggo, hindi naman ako laging puyat. Karaniwa’y natutulog muna ako at (kusang) nagigising makalipas ang hatinggabi o sa madaling-araw.

Paggising ni misis, karaniwa’y diretso na siya sa labas para magwalis at magtabas. Kung mapapasyal ka sa amin at mapansin mo ang aming malinis na bakuran, tabing daan, at pamamahay, magpasalamat ka sa misis ko. Araw-araw niya itong ginagawa nang halos walang ayuda mula sa akin o sa aming tinedyer na lalaking anak. Maraming nakakakilala sa akin bilang adbokeyt ng malinis na ilog at pamayanan pero ang totoo–mas matigas na adbokeyt ang misis ko kaysa sa akin o kaninupaman (kahit kay Greta). Kinikilala ko ang mahalagang gawain ng misis ko sa ikagaganda ng aming buhay.

Kanina, bago ko ito sulatin, ipinaghihimutok niya ang dalawang plastik na baso ng milk tea, isang face mask, at mga balat ng santol at rambutan sa loob ng recycling bin ng PET bottle at lata. Sa isang kagaya ng misis ko, at sa akin din mismo, yao’y isang naghuhumindig na pulang linya! Kami mismo ang isponsor na nagpagawa ng naturang recycling bin (sa ngalan ng aming makailog na samahang Klub Iba) sa layuning mawala na ang pakalat-kalat na mga bote sa daang katapat ng aming bakuran, na laging pinupulot ni misis. Ang mapapagbentahan sa maiipong mga bote at lata ay idodoneyt naman namin sa samahan.

Hindi lang ito ang unang beses na may nagtapon ng basura sa hindi naman dapat na tapunan. Napag-isip-isip ko kung paanong lagi tayong dinidismaya ng lipunang Filipino. Unang-una’y hindi ka makararamdam ng suporta sa anumang mabuting adhikain mo sa ating pamayanan, tungkol man iyon sa politika o sa kalikasan. Lagi kang sasalubungin ng pagdududa sa mga mata ng mga kapitbahay mo, at ang pinaka-taklesa sa kanila ang tahasan pang magsasabi sa iyo na “walang mangyayari d’yan” o “hindi mo na ‘yan mababago”.

Pero tulad ko, magpapatuloy ka sa nasimulan mong adbokasiya, at wala silang gagawin kundi ang hintayin ang dakilang sandali ng iyong kabiguan. Kapag dumating iyon, wari’y napakarunong na pagsasabihan ka pa nila. “Sinabi ko na nga sa iyo… kung nakinig ka lang sa akin.” Gayong wala ngang nangyari sa adhikain mo, hindi dahil nabigo ka sa sarili mong kaparaanan, kundi dahil hinayaan ka nilang mabigo!

Kung may nagpupunla ng anumang makabubuti, ng ikalilinis, ikalulusog, at ikagaganda ng ating pamayanan, ang tamang atityud ay malugod nating salubungin yaon at hangarin nating magtagumpay laban sa masasamang gawi ng ibang tao sa paligid natin. Pero ano’ng nangyayari? Hindi tayo nakikisangkot. Ayaw nating makiisa. Gayong malinaw na ang hangarin ay para sa ikabubuti nating lahat, nang walang kapalit na boto o anumang kondisyon. Hinahayaan nating sugurin at lapain ng mga lobo ang ating mga tunay na tagapagtanggol hanggang makita nating nasiraan na sila ng loob at gusto nang sumuko dahil sa pagkadismaya.

Kaya ang lipunang Filipino’y lalong paurong kaysa sa dati. Naturingang mas marami na ang nakapag-aral at nagtatamasa ng magandang buhay sa atin ngunit ang mga ugali ng karamiha’y mas masahol pa sa mangmang at busabos! Sino pa ngang magkakalat ng sari-saring basura sa mga pampublikong lugar at magtatapon ng dumi ng hayop sa ating mga ilog kundi ang karamihan ng mga kababayan nating umaakto nang wala sa lugar? Wala silang konsepto ng pag-iingat sa pag-aaring pampubliko (ibig sabihi’y para sa lahat) at paggalang sa mga establisimyento at maging sa mga pook na sagrado (gaya ng simbahan at kagubatan). Nagkakalat sila sa lahat ng ito, daig pa ang demonyo!

Idagdag pang kung saan-saan nang lupalop at mararangyang bansa nakarating, nagtrabaho, at nanirahan ang malaking bilang ng ating populasyon–at isa man yata sa kanila’y walang nagpasalubong ng magagandang impluwensyang maaaring humubog sa ating buhay-pamayanan. Ang nangyayari ay gusto nating makitira sa magandang bahay na itinayo ng ibang tao ngunit wala tayong gustong gawin upang ayusin ang sariling tahanan.

Tunay na nakadidismaya, at magiging desperado ka sa kalaunan, lalo na kapag sumapit ka sa gulang ko. Tatlumpung taon na ang nakalipas mula nang simulan ko ito. Wala naman akong ibang hangad mula noon kundi ang manirahan sa isang maayos na pamayanan DITO sa sarili kong bansa. Totoo, sinubukan ko ring iwan ito, at nang hindi nga nangyari, lalong sumidhi ang pagnanasa kong baguhin ang kapaligiran ko. Isang henerasyon ang nakalipas, nakalulungkot malamang tila wala akong nakamtang kahit ano.

Leave a Reply