Sa maraming pagkakataon, hinubog ng mga pangyayari sa kasaysayan ang ugali nating mga Filipino.
Nagsimula ang makakanluraning kasaysayan ng Pilipinas sa pagdaong ng Portuges na si Fernando Magalhaes sa Samar noong ika-16 ng Marso 1521 sa ngalan ng Espanya na siyang gumastos sa ekspedisyon.
Natatandaan kong iyan lang ang itinuro sa akin nang bata pa ako. Ang totoo’y nabasa ko lang ang tungkol sa paglalakbay ng mga Hari ng Sulu sa Tsina sa panahon ng Ming Dynasty (1368-1644) o noong 1417 noong nasa kolehiyo na ako.
Ano ang umiiral na paniniwalang espiritwal sa Pilipinas bago dumating ang mga Kastila. Maaaring Islam sa ibang bahagi ngunit sa mas maraming lugar sa kapuluan, ito ay animismo, isang pananampalatayang nakasalig sa kalikasan.
Nakita ng ating mga ninuno ang Maykapal (Dios sa mga Kastila) sa kalikasang nilikha Niya. Gayundin, karaniwang ibinabaon sa lupa ang kanilang mga patay, nang maagnas at lumangkap–magbalik sa kalikasang pinagmulan.
Ang matandang salitang katutubo na “Maykapal” ang patunay na hindi pagano ang ating mga ninuno–sapagkat naniniwala sila sa Dios, gayunma’y hindi ito kagaya ng Dios ng mga mananakop.
Kaya magmula noon, sinasambit natin ang mga katagang “tabi po, nuno, huwag sanang manuno” bago natin simulan ang anumang gawaing kaugnay ng kapaligiran.
Hindi “duende” ang nuno. Walang duwende sa Pilipinas. Ang duwende ay bahagi ng kulturang Europeo, ang paniniwala sa maliliit na tao o sa Ingles ay “dwarf”. Maaaring ito ang tinatawag nating “lamanlupa” pero hindi ang “nuno”.
Dahil sila ang ating mga ninuno na pinagpapasintabian natin upang hindi magambala ang lupang kanilang kinalibingan. Sila rin ang mga “anito” na tagapangalaga ng ating mga tahanan.
Natural na dahil sa animismo, iningatan at pinagyaman ng ating mga ninuno ang kanilang likas na kapaligiran. Kung umiihi man o dumudumi sila sa lupa, tinitingnang natural lamang iyon, at bilang paggalang sa ninunong maaaring nakalibing doon, inuusal nila ang “tabi po, nuno, huwag sanang manununo”.
Naniniwala silang kung hindi sila magpapaalam (magpapatabi) sa hindi nakikitang entity, maaaring padalhan sila nito ng karamdaman o kamalasan, na nilulunasan ng mga magtatawas sa pamamagitan ng pagtukoy sa nunong nagdulot nito at pagpapakita sa maysakit ng kanyang ginawang pagkakamali.