About

Isinilang noong Oktubre 1972 sa maburol na bayan ng Ibaan sa lalawigan ng Batangas, si Manolito C. Sulit ay awtor ng IBANG DAAN PAUWI (mga tula), NANG TAYO’Y MATUBOS (mga tula), MARTIAL LAW KID (nobela), at BARAKO (pelikula).

Nagtapos siya ng kursong AB Journalism sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1993. Saglit siyang naging reporter ng pahayagang Balita habang kontribyutor ng Liwayway, Manila Chronicle, at National Book Review.

May isang dekada rin siyang nagturo sa kolehiyo, hayskul, at elementarya sa Pamantasang De La Salle, St. Paul College of Manila, St. Scholastica’s College, Pablo Borbon Memorial Institute of Technology (ngayo’y Batangas State University), at Sto. NiƱo Formation and Science School.

Naging Rotarian din siya at adbokeyt ng pangangalaga sa ilog at kalikasan bilang tagapagtatag ng samahang Klub Iba, samantalang naghahanapbuhay sa kanyang computer shop mula 1997 hanggang 2004 at kalauna’y mula sa kanyang tahanan sa iba’t ibang kapasidad bilang isang independent online provider mula pa noong 2010.

Masaya siyang namumuhay nang simple sa piling ng kanyang maybahay na si Marissa at ng kanilang anak na si Immanuel habang nalulugod sa kanilang mga tanim na gulay at prutas sa bakuran.

Umaasa siyang masulat ang lahat ng nobelang nasa isip niya sa nalalapit niyang ginintuang panahon at hangga’t ipinahihintulot ng Maykapal.

error: Content is protected !!