Napanood mo na ba ang “The Fiery Priest”?

2019-04-24 at 7:33 am by Mano | Posted in Entertainment

Sigurado akong matindi ang magiging reaksyon ng CBCP kung ipalalabas sa Pilipinas ang The Fiery Priest (Hangul: 열혈사제; RR: Yeolhyeolsaje; lit. Hot Blooded Priest), isang South Korean television series na nagtatampok kina Kim Nam-gil, Kim Sung-kyun and Lee Hanee. Tumakbo ang serye nang may 40 episodyo mula Pebrero 15 hanggang April 20, 2019 tuwing Sabado’t Linggo sa SBS. (Wikipedia)

Maraming kababalaghang nangyayari sa lugar na sumasakop sa munting parokya ni Padre Kim Hae-il. Nagsimula ang kanyang kalbaryo matapos ang malagim na kamatayan ng matandang kura paroko. May mga indikasyong pinatay ang pari ngunit taliwas na taliwas ang kumalat na balita: nagpakamatay daw ang pari dahil hindi kinaya ng kanyang konsensya ang ginawang pangmomolestya sa isang babae at pagdispalko sa pera ng simbahan.

Hindi ito kailanman mapaniniwalaan ni Padre Kim. Sa kabila ng pinagdaraanang personal na krisis bunga ng isang madilim na bahagi ng kanyang pagkataong inilingid sa lahat, nakahanda siyang alamin ang totoo at bigyan ng hustisya ang kamatayan ng pari. Ngunit paano niya gagawin ito kung ang pulis, prosekyusyon, at ang buong legal at politikal na mga aparato ng bayan ay nagsasabwatan laban sa kanya?

Gaya ng halos lahat ng seryeng Koreano na napanood ko, napakahusay ang kontekstwalisasyon ng laban ng mabuti at masama. Kahanga-hanga kung paano naipamalas sa serye ang karanasang Katoliko-Kristiyano nang tila higit pa kaysa sa kaya nating mga Filipino. Isa itong kakaibang sipat sa buhay-Koreano sa isang pamayanang may kakaunti lamang na bilang ng mga Katoliko.

Matapos maitakda ang naturang seryosong senaryo, naging kaaliw-aliw naman ang pagbabalanse ng drama at komedi sa istorya, darating sa puntong maiiyak ka na sa katatawa. Dahil iyan kay Detektib Goo Dae-young, ginagampanan ni Kim Sung-kyun; at sa may pagkademonyitang prosekyutor na si Park Kyung-sun, ginagampanan ng dating Korean beauty queen at kabigha-bighaning si Lee Hanee.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *