Ang Presyo ng Pagkatao

2019-05-28 at 5:20 pm by Mano | Posted in Social

“Aanhin pa ang bahay na bato kung nakatira’y kuwago. Buti pa ang bahay-kubo, nakatira’y tao.”

“Hindi lahat ng bagay ay nabibili ng salapi.”

“Hindi baleng mahirap tayo, basta malinis ang pagkatao.”

Marami tayo ng ganyang mga kasabihan at salawikaing ipinahihiwatig ang kahigtan ng mabuting kalooban kaysa sa kayamanan. Ang mga iyan din ang laman ng mga pangaral ng ating mga magulang, marani ay bilang pampalubag-loob sa gitna ng kahirapan. Hitik na hitik ang ating mga soap opera sa ganyang tema. Laging mayaman ang kontrabida. Gayundin kaya sa totoong buhay?

Dumalo ako sa aming school reunion kamakailan. Magkahalong damdamin. Masayang makitang muli ang mga dating kaibigan at kaklase pero siguro, mas masaya ang pakiramdam kung may baon akong “visible signs” ng tagumpay. Sakay man lang sana ako sa sariling kotse. Makapal sana ang pitaka ko. Halata sanang mayaman ako. Ako lang kaya ang nakakaramdam ng ganito?

Nang tumakbo ang palatuntunan at tinawag ang iba’t ibang batch, pabirong ibinida ng bawat isa ang mga meyor, konsehal, pari, doktor at iba pang magagandang nakamit na katayuan ng kanilang mga kaklase. Hindi ko alam kung paano nauwi sa ganito ang usapan. May isa sigurong nag-umpisa at nagkagayahan na. Ano pa nga ba ang dapat asahan sa atin ng ating paaralan?

Akala ko’y hanggang doon na lamang iyon. Pero simula nang ungkatin ng isang guro ang “obvious” namang layunin ng ganitong pagtitipon-tipon, dumako ang palatuntunan sa isang antas na malinaw na nagpamalas sa akin ng kung paanong pinatitibay pa ng paaralan ang sistema ng pagpapahalaga sa ating lipunan na pumapabor sa mayayaman.

Hindi ko masisisi ang paaralan sa napili nitong taktika. Kailangan nitong makalikom ng pondo para makabili ng mga kagamitang inaasahang mag-aangat sa kaledad ng edukasyon. Kaya isa-isang tinawag ang “tukoy” nang mayayamang alumni ng paaralan. Ginawa nitong hamon sa kanila na pangunahan ang kanilang batch sa maipagkakaloob na tulong-pinansyal.

Maganda para sa paaralan ang naging tugon sa hamon nito. May umako ng mga pangangailangan ng dalawa, lima, sampung klasrum. Ang pinakamalaking pledge na natanggap ng paaralan mula sa isang tao lamang ay kalahating milyong piso! Habang nakatayo siya sa ibabaw ng entablado, lubhang nagningning sa paningin ng lahat ang kagandahang-loob ng isang taong sagana sa salapi.

Sa harap ng gayong pagpapamalas ng yaman at pagiging bukas-palad, bahagya akong nakaramdam ng kawalan ng halaga. Hindi kailanman makatatanggap ng paghanga ang kaunti kong nakayanan. Na bagamat kaunti iyon ay pinagpaguran ko rin naman, nang higit pa siguro sa pagod ng nagbigay ng napakalaking halaga.

Bagamat itinuturo ng Diyos sa bibliya ang pagpapahalaga sa “kayang iabuloy” ng bawat isa, ang Diyos lang talaga ang may kakayahang makita iyon–hindi ang tao. Maging ang simbahan ay katulong din sa pagtataguyod ng pagpapahalagang kumikilatis sa tao batay sa dami ng kanyang salapi. Hindi nga ba’t sa ating lipunan, ang mayayaman ang laging pinakikitunguhan ng mga pari? Kapag hindi ka mayaman, ikaw ay tagasilbi o alalay at hindi kaibigan.

Yaman ang tunay na ehemplo. Pinaiikot ng pera ang mundo. Hindi mo kayang magbigay kung wala ka nito. Wala talagang solusyon sa kawalan ng pagkakapantay-pantay. Ang puwede lang nating gawin ay tumulad sa isang mayaman at pagsikapang tumaas ang presyo ng ating pagkatao sa paningin ng publiko.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *